dating guro?
Wednesday, June 1st, 2005Medyo pathetic sigurong maituturing ang pinakabago kong libangan: ang maghanap ng mga dating estudyante sa friendster at gumawa ng mga testimonial tungkol sa kanila. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa. Kung ako siguro ay gawan ng testi ng aking mga dating guro, mawiwindang ako. Syempre guro ko yun kaya alam nya ang tungkol sa aking pagtulog sa klase, pambabara sa recitation, pagsasubmit ng late na requirements, at pag-iimbento ng sagot sa exam. Kahit pa gaano kabait sa akin ang isang guro, parang hindi ko pa rin magawang lubos na magtiwala sa kanya. Hindi naman sa itinuturing ko silang kaaway, pero sabihin nalang sigurong may takot ako sa mga guro ko noon, dahil nga kita nila ang marami sa mga pagkukulang ko — at kaya nilang ihalibas yun sa mukha ko sa pamamagitan lamang ng isang kudlit sa classcard. Medyo exag siguro, pero para kasing sobrang laki ng agwat ng aming kaalaman at karanasan. Kumbaga tumatakal ako ng karunungan mula sa isang balde sa pamamagitan ng isang kutsarita. At kahit ilang salok ang kunin ko, matagal na panahon pa para maituring nila ako bilang kapantay.
Medyo natagilid ang equation nang pasukin ko ang larangan ng pagtuturo (ng hindi buo ang kalooban). Dahil nga wala akong balak magturo ng mga panahong iyon, siguro hindi ako handa noon na tumayo sa harap ng maraming mapanuring mata at umasta na mas marami akong alam kaysa sa kanila. Isa pa, hindi ko man lang kinuha noong kolehiyo ang mga asignaturang hinawakan ko. (Sa Dept of Devt. Journalism kasi ako nag-apply, pero sa DEpt. of DEvt Broadcasting and Telecom napapunta. Pero mahaba ang storyang yon, at hindi ko rin alam ang lahat ng dahilan, kaya sa susunod nalang). Oo nga’t volunteer ako sa radio station noong college, pero ang pag-aanounce ay isang napakaliit na bahagi lang ng broadcasting. Sa madaling salita, nagtuturo ako ng mga bagay na di ko gaanong alam. Isang baldeng sasampung kutsara ang laman.
Laging may tinig na umaalingawngaw sa isip ko, lalo na noong unang semestre ng pagtuturo. "Nahahalata kaya nila na kahapon ko lang nalaman ang mga itinuturo ko sa kanila?" "Shet, anong ginagawa mo iha? Anong karapatan mong magpanggap na mas marunong ka sa kanila, gayung sa libro mo lang naman nalaman ang lahat ng yan at hindi sa karanasan?" Kulang nalang ay mahimatay ako sa kaba sa tuwing tatayo sa may pisara. Ganito siguro ang nararamdaman ng mga takas sa preso. Laging takot na mahalata, na mabuking ang sikretong pinagkakatago-tago.
At dahil nga wala gaanong alam, pinilit kong matuto. Salamat nalang at may mga katrabaho akong tumulong sa pamamagitan ng pagpapahiram ng materials at pagsagot sa sandamakmak na tangang tanong. At unti-unti, natuto nga naman ako. Natutong humawak ng diskusyon at magbigay ng lektura. Natutong magplano ng activities para makakuha sila ng kaalaman sa pamamagitan ng sariling sikap. (Para hindi ko na gaanong kailangan maglecture, at para na rin mabawasan ang chances na may masabi akong mali). Natutong lunukin at hindi ipahalata ng kaba. Natutong manlimot ng mga butil ng karunungan mula sa kanila.
In fairness, sabi nila, kahit papaano ay meron din naman daw silang natutunan. At kahit papaano ay medyo maayos din naman ang mga student evaluation na nakuha ko. Kaya kahit papaano ay medyo humupa na rin ang kaba. Pero laging nandoon pa rin ang pag-aalinlangan: marami pa silang dapat makuha at malaman — kaalamang hindi ko kayang ibigay, sa simpleng dahilang "hanggang dito lang" ang aking alam.
Ngayong hindi na ako guro, hindi ko pa rin maiwasang maisip. Ano nga ba talaga ang naging performance ko sa mga mata nila? Ilang kutsara nga kaya talaga ang nakuha nila?
Ewan ko lang, pero sa tingin ko, ito ang totoong nangyari. Lahat kami, ang mga studyante at ako, ay nagsimula ng walang alam. Sa loob ng tatlong taon naming magkakasama, halos sabay lang kaming natuto. At malamang, ngayon ay halos pareho rin lang kami ng antas ng nalalaman.
Dapat nga ba nila akong ituring bilang guro? Baka mas angkop na sabihing ako ay kamag-aral lamang nila.