mga rally, buwaya, tanga atbp.
Wednesday, July 13th, 2005Lampas isang buwan na magmula ng ilabas ni Press Secretary Bunye ang mga CD na naglalaman ng mala-bombang mga recordings na yumanig sa administrasyong Arroyo. Ilang linggo na rin ang nakalipas magmula ng aminin ng pangulo na kanya nga ang tinig sa mga nasabing CD. Pero ang pamumulitika, pagbabalimbing, paghuhugas-kamay, pagyayabang at pagpapataasan ng ihi na ibinunga nito ay tila ageless at timeless ata. Mula pa noong panahon ni Jose Rizal, hanggang ngayon sa ikalawang milenyo, hindi na gumaling-galing ang sakit na ito ng mga pulitikong Pilipino.
***
Noong studyante pa ako, lagi akong sumasali sa mga rally at kilos-protesta. Feel na feel ko kasi ang pagkamakabayan ko. Pakiramdam ko kasi, ang laki ng naitutulong ko sa pagsulong ng bansa at ng demokrasya sa pamamagitan ng pagmamartsa sa mga kalye at pagsigaw ng mga de-latang chants at jingles na pinapalawig ng mga protest organizers. Noong pumutok ang EDSA 2, kabilang ako sa libo-libong kabataang tumulak patungong EDSA upang iparinig sa dating pangulong Estrada, sa bayan, at sa mundo ang aming galit sa administrasyon, at ang aming paghingi ng mabuting pinuno. At medyo nagtagumpay nga naman, narinig ang aming tinig, natanggal sa pwesto ang dating pangulo. Pero ang pag-aagawan sa pagkilala, papuri, at pwesto na naganap matapos magbitiw sa pwesto si Estrada ay ang malignong naging kakambal ng “tagumpay” na ito.
***
Kung sabagay ay meron nga naman talagang mabuting naidudulot ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa pagtakbo ng isang malusog na demokrasya. Pero madalas kasi, ang kilos-protesta ay walang iba kundi puro salita lamang. Oo nga’t pinalamutian ito ng mga awit, sayaw, dula, larawan at mga effigy. Pero pagkatapos ng lahat ng ingay at traffic, wala namang naiiwan kundi kalat sa kalsada at vandalism sa mga gusali at pader.
***
Tila yata tayong mga Pilipino ay nasilaw na at naadik sa bilis-bisa at matinding drama ng mga kilos-protestang EDSA. Natuon na lang ang pansin natin sa pagpapabagsak sa mga bulok at masasama sa lipunan – habang kulang naman ang ginagawa upang makapagtatag tayo at makapagbuo ng maayos na lipunan. Magaling tayong magpabagsak sa pwesto ng mga pinunong bulok – ngunit mahina sa pagluluklok ng pinunong matino.
***
Pero kung sabagay, tayo nga rin pala ang bayan ng pyramid scheme, kung saan maraming nabibingwit ng pangakong yayaman kahit walang ginagawa. Tayo rin ang bansa ng telenovela, kung saan laging nagtatagumpay ang bida sa huli, kahit wala siyang gawin kundi magpasampal, magpasigaw, magpasabunot, magpaapi, at umiyak ng umiyak hanggang mamugto ang naka-mascara pa ring mga mata. At parang tayo rin ang bansa ng mga madaling makalimot – tignan nalang natin ang nangyari sa pamilyang Marcos at Estrada, na parehong pinatalsik ng people power.
***
Kailan nga kaya tayo matututo? May karapatan nga kaya tayong tawaging bansang demokratiko? Oo nga’t ang demokrasya ay “of the people, by the people, for the people”, pero dahil ang people ay madaling maloko at madala sa pangako ng madaliang benepisyo, paulit-ulit tayong namamanipula at napapaikot ng iilan. Kaya sabihin mang demokratiko ang bansang ito, ang totoo’y kagustuhan lang talaga ng iilan –hindi ng nakararami—ang nasusunod.
***
May isang kaibigan akong nagsabing “Malungkot man isipin, pero maraming Pilipinong tanga.”
Sana naman ay mali siya. Pero kung hindi, sana naman ay magbago na agad ito.
***