anim na buwan
Tuesday, November 29th, 2005Mag-aanim na buwan na rin pala.
Anim na buwan ng pakikipagsiksikan sa MRT, pagsampa sa rumaragasang bus, paglanghap ng usok ng sasakyan. Pagtulog ng mahimbing sa hele-hele ng mga busina. Pag-iwas sa dura ng taong naglalakad sa kalye. Pakikinig sa awit at huni ng libo-libong cellphone. Pagtingala sa mga kongkretong puno dito sa gubat na bato.
Araw-araw ay babangon at magbibihis, maglalakad, maglalakbay, pagpapawisan, maitutulak at manunulak pabalik. Buong araw na uupo sa opisina, magpapalapad ng pwet at iinom ng timba-timbang kape habang pilit na nag-iisip ng kaaya-ayang mga kataga tungkol sa kontra-bulate, kontra-kolesterol, panghugas ng ari at kung ano ano pa. At sa gabi ay uuwi at maliligo at manonood habang dumadaloy sa drain ang maitim na pinagbanlawan ng buhok ko. At kinabukasan ay mauulit muli ang lahat.