ang simoy ng lahi
Sunday, March 26th, 2006Mabango o maganda? Maganda o mabango? Kung Pilipino ka, mas pipiliin mo nang maging ordinaryo ang itsura pero mabango, kesa maganda ang anyo pero pangit ang amoy. Kunsabagay, aanhin mo nga naman ang killer looks kung meron ka namang killer smell? Kaya naman halos OC* na tayo sa issue ng amoy. Napansin mo bang napakarami nating salita para sa amoy na di kaaya-aya? Mabaho. Mabantot. Mapanghe. Mabansiw. Maangot. Maange. Malansa. Ma-anggo. Masangsang. Maalingasaw. At kung ano-ano pa.
Hindi sapat na maligo ng regular. Dapat araw-araw. At hindi lang sapat na nagsasabon, dapat naghihilod at gumagamit ng germicidal soap, na susundan pa ng tawas o deodorant. At hindi lang katawan mo ang dapat mabango. Dapat pati damit. Kaya anjan din ang mga sabon panlaba at fabric softener na nangangako ng bangong tumatagal. Sa Pinoy, kasalanang mortal kung meron kang simoy na di kanais-nais.
***
Kaninang alas-syete y medya ng umaga ay nakipagsiksikan nanaman ako sa MRT. At dahil rush hour, kulang nalang ay buhusan ng tomato sauce at ipasok sa lata ang mga pasahero. Mainit sa labas, kaya sa mga ganitong sitwasyon, hindi mo maiiwasang minsan ay magkaroon ng exchange of body fluids. Pasalamat ka nalang kung ang mga katabi mo e OCng Pinoy na paglabas ng bahay sa umaga eh namamango sa sabon ang katawan at bagong shampoo ang buhok. Pero sa kasaamang palad, ang katabi ko kanina ay isang mamang nangangalingasaw sa samyo ng beerhouse: alak, yosi, panis na laway, at anghit. Sa salitang kolehiyala noong dekada 90, kadiri to death! Gustuhin mo mang lumayo, wala ka na ring magagalawan. At dahil mainit ang panahon ay tagaktak ang pawis sa likod ng mama, kaya nararamdaman kong sumisinip ang mabansiw na pawis nito sa tela ng manggas ng damit ko. Leche!
***
May isa akong kaibigan na rumaraket sa pamamagitan ng pagtuturo ng wikang Ingles sa mga banyaga. Sabi ng isa nyang studyante, cool daw syang teacher. Bakit kamo? Dahil araw-araw ay iba ang outfit nya. Palibhasa’y nakaka-tatlo hanggang limang araw bago magpalit ng damit ang estudyante nyang yun. Naliligo araw-araw, pero yun at yun din ang ibinibihis.
Para que pa?
***
Minsan ay bumisita dito sa Pilipinas ang isa kong kaibigang banyaga. Hindi naman sa mabaho sya talaga, pero tulad ng maraming banyaga ay ugali rin nyang isuot ng paulit-ulit ang damit kahit hindi pa ito nalalabhan. Isinama ko sya sa Baywalk upang makita nya ang pinipitagang Manila Bay sunset. Umupo kami sa breakwater. At doon ko narealize, ang baho nga pala ng Manila Bay. Kung tumanaw ka sa malayo, makikita mo ang paglubog ng araw na ubod ng ganda. Ngunit tumingin ka sa baba at makikita mo ang mga nabubulok na basurang pilit isinusuka ng dagat sa pampang, ngunit di tuluyang mapurga dahil sa sobrang dami.
Sa sandaling yon, narealize ko din na hindi nga lang pala Manila Bay ang mabahong lugar sa Pilipinas. Maglakad ka lang sa kalye, sa may riles ng tren, o sa palengke ay may maamoy at maamoy kang bansiw o angot o panghe o bantot. Palibhasa’y wala tayong pakundangan kung saan natin ihagis ang basura. Wala rin pakundangan kung saan iihi, lalong lalo na ang kasariang may lawit. Ang iba nga, walang pakundangang dumudumi kahit saan.
Kaya’t kung tutuusin, isa pala tayong bayan ng mga taong mababango nga, pero nakatira naman sa isang dambuhalang basurahan at palikuran. Para que pa?
*Obsessive-compulsive