quarter life crisis
Tuesday, May 16th, 2006Noong bente kwatro anyos ang nanay ko, ang panganay nyang anak ay naglalakad na at dumadaldal, nauuntog, nahuhulog, naiipit ang kamay, at nangungulit ng ibang bata. By the age of three, nakakain na ako ng tae ng butiki, nakatikim ng Red Horse Beer, at buong pagmamalaking inanunsyong umutot ako sa kalagitnaan ng Misa. Kaya maiimagine nyo nalang ang daily adventures ni Inay sa paghahabol sa kanyang pasaway na panganay at pagpupumilit na magturo ng tamang gawa at mabuting asal bago mahuli ang lahat.
Ngayon ay bente kwatro anyos na ako, at sa oktubre ay ¼ century nang nabubuhay sa mundo. Dalaga na ngayon ang bata kong kapatid na dati ay pinapalitan ko pa ng lampin. Pero sa isip ko at imahinasyon, isa pa rin akong batang aanga-anga, burara, madaling mawala, at basta nagsasalita ng hindi nag-iisip. Marami sa aking mga katoto nung high school ay doktor na ngayon o abogado o engineer, o di kaya’y asawa na o ama o ina. May nakapagpalimbag na ng sarili nyang nobela. May mga nasa ibang bansa bilang graduate student, writer, flight attendant, o mang-aawit. Parang ang hirap maniwala na noon ay sabay-sabay lang kami na sumakit ang ulo sa trigo at stat, nagkatay ng manok, nagmemorya ng tula ni Shakespeare, nagbungkal ng lupa, at nagbutingting ng noli at el fili. Nakaka-pressure at nakaka-insecure isipin na may narating na sila, at ako ay nandito pa rin, takot at aanga-anga at wala pa ring impact sa mundo.
Kailangan nang magmadali bago tuluyang maiwanan ng byahe.